i can only say so much.
     
yanyan's stories. life as written by me.
Monday, June 12, 2006
filipi blog1

SA AKING MGA MAMBABASA:

‘Wag kayong magtaka kung makabasa kayo dito sa aking blog ng mga makabuluhang entry na medyo seryoso ang tema. Ito ay para sa aming klase sa Filipi2 sa ilalim ni Ginoong Rhod Nuncio. Maraming salamat sa pagtangkilik. ^_^

______________________________________

Bakit kailangan iintelektwalisa ang Filipino sa ating bansa?

Kung titingnan ang kalagayan ngayon ng Pilipinas at ikukumpara ito sa ibang mga bansa sa Asya, hindi maiiwasang malungkot, maawa o di kaya ay manghinayang. Sakali mang sabihin mo sa isang paslit na dati ay naging mas maunlad pa tayo sa mga bansang ito, malamang ay matawa pa ito at sabihing ikaw ay gumagawa lamang ng kakatwang kwento. Ngunit ito ang katotohanan, ang bansang Pilipinas na minsang nanguna sa Asya, ngayon ay isa na sa mga may pinakamababang lebel ng kaunlaran.

Pano natin babaguhin ito?

Sa aking palagay, isang mahalagang hakbang tungo sa pagbabago at kaunlaran ay ang intelektwalisasyon ng wikang Filipino. Naniniwala ako na ito ay isa sa mga nararapat nating gawin upang tayo ay makaahon mula sa mahigpit na kapit ng kahirapan. Sa pamamagiatan ng pagiintelektwalisa ng Filipino, ang mga tao ay mas mabibigyang liwanag ukol sa napakaraming mga bagay. Ang karaniwang tao ay hindi na mahihirapan sa pagintindi at pag-aaral ng banyagang lenggwahe. Hindi na magmimistulang nakakababa sa antas ang isang tao nang dahil lamang sa wika. Magkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa larangan ng wika. Ito ay magbubunga ng isang bansang, nagkakaisa sa kanilang salita at diwa. At kung ito ang magaganap, siguradong mas uunlad ang ating bayan.

Ang isang batang mag-aaral ngayon ay kinakailangan matuto ng mga aralin sa eskwela gamit ang dalawa o maaaring higit pang lenggwahe. At dahil dito, mas nagiging mabagal ang proseso ng pag-iisip ng bata dahil sa isip pa lamang nila ay kailangan pa nitong magsalin ng mga salita bago maintindihan ang isang salita o di kaya ay bago ito makapag-recite sa klase. Kung ang wikang Filipino ang gagamitin na pangunahing wika sa pagtuturo, mas magiging mabilis ang pagkatuto ng mga mag-aaral. Kapag mas natuto ang mga bata, balang-araw, sila ay magiging mas matatalinong mga indibidwal. Mga indibidwal na handang makipagsabayan sa mga tao sa paligid niya. Mga taong ang gamit na wika ay Filipino rin.

Dapat ding iintelektwalisa ang wikang Filipino sapagkat ito ang kumakatawan sa ating bansa. Ito ang sagisag ng ating kultura, ng ating pagka-Pilipino. Napakahalaga ng pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ng isang bansa. Ito ay makakatulong di lamang upang tayo ay mas respetuhin at kilalanin ng iba dahil sa ating lahi, ito din ay magbubunga ng mas maalab na damdamin ng pagiging Pilipino para sa ating lahat. Magiging mas nagkakaisa ang mga Pilipino at mas magkakaroon sila ng matinding kagustuhan upang paghusayan ang anumang gawain, para sa karangalan ng ating lahi.

Ang intelektwalisasyon ng Filipino ay hindi ang bukod tanging solusyon sa mga problema ng ating bansa, ngunit sa aking paniniwala, ito ay isa sa mga kinakailangan upang tayo ay umunlad. Hindi ko rin naman sinasabing napakadaling isakatuparan nito sapagkat ang nasabing hakbang ay may kalakip na mga malawakang pagbabago na nangangailangan ng maraming panahon, matinding pagsasaliksik, di matatawarang dedikasyon, at maging mga malalaking pondo. Ngunit kung ang lahat ng Pilipino ay magtutulong-tulong upang makamit ito, magiging mas posible ito para sa atin. Malay natin, baka ito ang maging dahilan upang tayo ay muling makapagsabayan o di kaya ay manguna man sa ating mga kalapit na bansa sa Asya, o maging sa buong mundo man.
-->Ariane Astorga


You say... (0)

Post a Comment

go back home